Akala ko mababasa ako ng pawis 'pag humiga na ako sa aking higaan (dahil walang electric fan), pero hindi pala... Hindi nga ako pinagpawisan pero nabasa pa rin ako - ng luha. Hindi lang ako ang nabasa, pati na rin ang unan ko. Ang hirap ipaliwanag pero ang tanging nararamdaman ko eh nasasaktan ako. Bakit ba pagdating sa kanya madali akong umiyak? Hindi ko alam ang sagot... Ang tanging alam ko lang eh mahal na mahal ko siya kahit ano pa ang sabihin ng mga nakapaligid sa amin.
Hindi naman dahil sa baka hindi ako makasama sa get together namin bukas kaya ako naiyak. (Hindi niya kasi ako pinayagan) Naglilibang lang naman kasi ako, hindi lang siya ang nahihirapan sa mga nangyayari. Alam kong gusto niya akong makita, gusto ko rin naman 'yun kaya lang paano? Hindi naman pwedeng iwanan niya ang kanyang trabaho. Sa akin naman eh hindi naman kailangan lagi kayong magkasama para mapatunayan mo sa sarili mo na mahal ka niya... Ang importante eh kung paano niyo pahalagahan ang pag-ibig niyo sa isa't-isa. Hanggat tapat ka sa kanya at wala kang ginagawang masama habang hindi kayo magkasama, isang sapat na pagpapatunay na iyon na MAHAL mo ang isang tao.
Mailap man sa amin ang mga bagay na magbibigay sa amin ng komunikasyon, patuloy ko pa ring pipilitin na maipahatid ko sa kanya ang aking pagmamahal. Sana lagi akong may load para matext ko siya ng matext. Minsan iniisip ko rin na sana kaya ring ihatid ng hangin ang mensahe ko sa kanya. 'Yun bang ibubulong ko lang sa hangin ang nais kong sabihin sa kanya tapos maya-maya'y maririnig niya rin ito. Pero hindi pwede. Hindi kaya.
Sana malaman niya na gusto ko rin siyang makita ARAW-ARAW. Gusto kong makasama siya... Totoo, malungkot ako, pero kahit nilalamon na ako ng lungkot eh alam kong may maipapakita pa naman akong ngiti kahit kanino dahil may dahilan ako para ngumiti - dahil patuloy pa rin ang relasyon namin at alam kong mahal na mahal niya ako.